PINASISIYASAT ng Filipino-Chinese community ang motibo ng gunman sa pagbaril sa dalawang negosyanteng Chinese nationals matapos silang pasukin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng isang hardware store sa Ferrer Drive Brgy. Pasong Kawayan 2, General Trias City, Cavite.
Kasalukuyang nagsasagawa ngayon ng backtracking ang Philippine National Police sa kanilang pagsisikap na alamin ang pagkakakilanlan ng salarin upang matukoy kung ano talaga ang dahilan bakit binaril ang dalawang may edad ng mga negosyanteng Tsino.
Kapwa ginagamot ngayon sa Gen. Trias Medical Center ang mga biktimang sina Cai Nai Caho, 51 anyos na lalaki at si Li Jin Shu,66, kapwa residente ng Silver Star hardware sa Brgy. Pasong Kawayan ng nasabing lungsod.
Ayon sa nakalap na report, nakasuot ng kulay puting t-shirt ang suspek, tinatayang nasa 5’4 hanggang 5’6 ang taas, naka-itim na face mask, itim na cap at armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Lumabas sa paunang imbestigasyon, bandang alas-5:30 ng umaga nang naganap ang insidente sa loob ng Silver Star Hardware na matatagpuan sa nasabing lugar, kung saan nasa 2nd floor ng bahay na tinutulugan ang mga biktima nang atakihin ng suspek.
Ayon sa ibinigay na salaysay ng bayaw ng biktima na si Kim Sy at may-ari ng hardware, natutulog siya sa kanyang kwarto nang maalimpungatan ito sa sunod-sunod na putok ng baril kaya tinangka nitong lumabas upang alamin ang kaganapan subalit nang natunugan nitong paparating ang suspek ay agad nitong isinara ang pintuan ng kanyang kwarto.
Narekober sa crime scene ang anim na basyo na hinihinalang mula sa kalibre 9mm, isang piraso ng slug mula sa kalibre 9mm at dalawang CZ TS2 pistol at Glock G22 na nakareshistro kay Kim Sy Pascual.
Kaugnay nito, nagpapatuloy ang masusing pagsisiyasat ng pulisya sa Closed Circuit Television (CCTV) sa mga dinaanan ng suspek papasok at palabas ng bahay para na rin sa pagkakakilanlan nito.














