Inihayag ng Department of Education (DepEd) na hindi umano maaaring madaliin ang pagbabalik ng ‘pre-pandemic school calendar’ sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni DepEd spokesperson Michael Poa, kasunod ng mungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na ibalik na ang panahon ng bakasyon sa mga paaralan ng Abril at Mayo dahil sa labis na init ng panahon.
Ayon kay Poa, hindi maaaring basta-basta na lamang ibalik ang naturang ‘pre-pandemic school calendar’ o yaong School Year na nagsisimula sa unang linggo ng Hunyo at may school break ng Abril at Mayo, at sa halip ay kailangang idaan ito sa ‘slow transition’ o dahan-dahang transisyon.
Binigyang-diin ni Poa na pinakikinggan naman nila ang mga mungkahing maibalik ang April-May na school break dahil sa matinding init ng panahon ngunit kailangan pa rin muna aniya itong pag-aralang mabuti.
Sinabi ni Poa na maraming factors na dapat ikonsidera bago ito isagawa, kabilang na ang minimum na bilang ng mga pasok sa paaralan o school days.
Ipinaliwanag ni Poa na may 203 araw ng pasok ngayong School Year 2022-2023 at hindi aniya nila ito maaabot kung biglaan na lamang na magsa-summer break upang maibalik ang dating school calendar bago magpandemya.
“We take note of iyong mga suggestions na ibalik sa April-May (ang school break) dahil sa init. But kailangan pa po nating pag-aralan iyan… Kung meron mang changes, we will announce,” ayon pa kay Poa, sa isang panayam. “Pero the changes will definitely not be abrupt. It will have to be a slow transition.”
Dagdag pa ni Poa, kailangan rin muna nilang tukuyin kung aling mga lugar ang maaapektuhan at ano ang mga pros at cons nang pagbalik sa pre-pandemic school calendar.
Aminado rin siyang imposible itong mangyari agad ngayong taon.
“This year, mahirap na po mangyari iyan, sa totoo lang, dahil nga talagang we’re looking at the 203 (school days). Now, in the years to come, we will have to really look into it and study first what will be affected. But again, hindi natin sinasabi na definitely we will not revert,” aniya pa.
Matatandaang dahil sa COVID-19 pandemic ay nagpabagu-bago ang school calendar sa bansa, kung saan nitong SY 2022-2023, nagbukas ang klase ng Agosto habang ang bakasyon naman ay magsisimula pa lamang sa Hulyo. (Carl Angelo)














