KAILANGAN pa munang maglabas ng ‘evaluation’ ang Food and Drugs Administration (FDA) ng bansa bago maikasa ng pamahalaan ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga bata na apat na taong gulang at pababa.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Maria Rosario Vergeire na bukas ang kagawaran sa pagbabakuna sa mga paslit ngunit kailangan na maaprubahan muna ang “emergency use authorization (EUA)” ng mga bakunang gagamitin.
“Tayo naman po dito sa Kagawaran ng Kalusugan, bukas tayo lalong-lalo na alam natin na ‘yung mga vulnerable sector natin, kailangan mabakunahan. Pero tayo rin…kailangan dumaan tayo doon sa proseso ng page-evaluate nitong mga produktong ito,” saad ni Vergeire.
Ito ay makaraang magkomento si infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante na dapat maisama na rin ang mga bata na nasa naturang age group dahil sa lantad rin sila sa pagkakasakit dahil sa exposed sila sa mga magulang.
Noong nakaraang buwan pa ng sabihin ni Vergeire na nakasampa na sa FDA ang aplikasyon para sa EUA ng mga bakuna para sa mga paslit mula 0 hanggang 4 taong gulang.
Kung maaaprubahan ito at makikita na ligtas at epektibo, papasok naman ang Health Technology Assessment Council (HTAC) na siyang mag-aasses sa pagiging epektibo nito sa populasyon. (Jaymel Manuel)














