May pagbagal na nakikita ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng mga naitatalang kaso ng dengue sa buong bansa nitong nakalipas na apat na linggo.
Ayon sa datos ng DOH, ang bilang ng mga kaso ng dengue na naitala mula Enero 5 hanggang 18, 2025, ay nasa 15,904. Ito ay 5% na pagbaba kumpara sa 15,134 na naitala mula Enero 19 hanggang Pebrero 15, 2025.
Inihayag ng DOH na ang naturang development ay maaaring dahil sa mas mataas na kamalayan o awareness ng publiko at sama-samang pagkilos laban sa dengue.
Samantala, iniulat rin ng DOH na ang kabuuang bilang ng mga kaso ng dengue mula Enero hanggang Pebrero 15, 2025 ay nasa 43,732 na ngayon.
Ayon sa DOH, 56% ito na mas mataas kaysa sa 27,995 na mga kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunpaman, sinabi ng DOH na ang case fatality ratio (CFR) ngayong taon ay nasa 0.38% lamang na patuloy na mas mababa kaysa sa 0.42% na naobserbahan noong nakaraang taon.
Nabatid na karamihan naman sa dengue cases ay naitala sa CALABARZON (9,113), National Capital Region (7,551), at Central Luzon (7,362).
Mayroon namang 17 local government units sa loob ng mga rehiyong ito ang itinuturing nang mga dengue hotspot.
Karamihan rin umano sa apektado ng sakit ay mga batang nasa 10 hanggang 14 taong gulang at 5 hanggang 9 taong gulang.
Samantala, patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na mag-ingat laban sa dengue.
Anito, hindi dapat mag-atubiling magpakonsulta ng maaga sa doktor sakaling makaranas ng sintomas ng dengue gaya ng mataas na lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng tiyan, pagduduwal, pagsusuka o pantal.