Nagkalat sa social media ang kamakailan lamang na pagbabati nina Manila third district Congressman Joel Chua at Manila Mayor Isko Moreno, matapos ang palitan ng maanghang na salita sa loob ng mga nakalipas na buwan.
Gaya ng inaasahan, may mga natuwa at merong hindi.
Isang ‘common friend’ ang diumano ay nakiusap sa dalawa na tapusin na ang kanilang awayan at pareho naman silang nagdesisyon na panahon na para kalimutan ang nakaraan para sa kapakanan ng mga taga-Maynila, lalo na mula sa ikatlong distrito na nasasakupan ni Rep. Chua.
Naganap ang pagbabati nitong nakaraang Sabado ng hapon lamang sa tanggapan ni Moreno. Isinama ng ‘common friend’ si Rep. Chua at pagdating doon ay awtomatiko umanong nagkamay ang dalawa na para bang walang nangyaring alitan sa pagitan nila.
Maya-maya pa ay nagkukuwentuhan na sila kasama sina Congressmen Irwin Tieng at Ernix Dionisio na naroon na nang dumating sina Rep. Chua.
Ani Chua sa kanyang social media post: “We simply let bygones be bygones. Para sa kapanatagan ng ating distrito, minarapat po namin na mag-usap at isantabi ang mga hindi pagkakaunawaan. Kami ay magtutulungan para sa mga batang Maynila.”
Sabi naman ni Moreno sa isa ring post, nagprisinta ang tatlong Congressman ng kanilang mga inisyatibo sa kanilang distrito at nagpapasalamat siya sa mga ito sa kanilang mga proyekto.
Sa nangyaring ito, tiyak na ang maayos na pagdaloy ng mga serbisyong bunga ng ugnayan ng national at local governments, na pakikinabangan ng mga residente ng ikatlong distrito ng Maynila.
Sa totoo lang, walang personal na awayan sina Chua at Moreno. Pareho ko silang kakilala at alam ko din ang lalim ng kanilang samahan di lamang sa kanilang partido kundi maging sa personal na antas at sa katunayan ay ninong pa si Moreno ng isang anak ni Chua.
Para silang magkapatid at nagkahiwalay lang ng landas dahil sa pulitika. Pinili kasi ni Chua na tumiket kay dating Mayor Honey Lacuna nitong nakalipas na May 2022 elections, kung saan nanalo pa rin si Chua laban kay Apple Nieto.
Pero bago niyan, hindi nawala si Chua sa tabi ni Moreno sa lahat ng naging laban nito sa larangan ng pulitika. Ang kalaban ni Isko, kalaban din niya.
Sa aking personal na pananaw, hindi dapat ikagalit o ikalungkot ng iba ang pagbabati nina Chua at Moreno, dahil mga residente ng ikatlong distrito ang higit na makikinabang dito.
Maging ang mga konsehal at barangay chairman na kaalyado ni Chua ay matagal na rin itong gusto, dahil wala naman talagang mangyayari kung makikipag-away din sila sa loob ng tatlong taon.
Sabi nga ng namayapang Mayor Fred Lim, ang eleksyon, dapat isang araw lamang. Pagkatapos niyan, tulong-tulong na ulit para sa ikabubuti ng lungsod.
Ang tanong ngayon ay kung senyales na kaya ng pangyayaring ito na magkakasundo-sundo na ulit lahat ng nag-away na pulitiko sa Maynila nitong nakaraang halalan? Abangan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














