Pinuri ni Senador Erwin Tulfo ang ginawang pag-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa P92.5 bilyong halaga ng mga proyekto sa ilalim ng unprogrammed appropriations at ang pag-apruba sa P6.793-trilyong pambansang budget para sa taong 2026.
“Ikinagagalak natin ang pagpirma ni Pangulong Marcos sa 2026 General Appropriations Act, na aming pinaniniwalaang pinakatransparent na batas sa badyet sa mga nagdaang taon,” pahayag ni Tulfo.
“Ito ang kailangan natin—isang badyet na magbabalik ng tiwala ng taumbayan sa pamahalaan. Nagpapasalamat kami na pinakinggan ng Pangulo ang aming panawagan na limitahan ang paggamit ng unprogrammed appropriations at kanyang ni-veto ang P92.5 bilyong halaga ng mga proyektong isinama sa ilalim ng mekanismong ito,” dagdag pa niya.
Ayon sa Senador, na nagsisilbing vice chairman ng Senate Committee on Finance, nauna nang kinuwestiyon ang pagpapanatili ng bicameral conference committee ng P243 bilyon sa unprogrammed appropriations sa pinal na bersyon ng 2026 budget bill, kasabay ng babala na ang naturang pondo ay maaaring maging bukas sa pang-aabuso.
Nauna rito ay binigyang-diin ni Sen. Erwin na ang mga unprogrammed funds na ito ay naiugnay sa mga ghost flood control projects at iba pang kuwestiyonableng programa sa imprastraktura.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, kabilang sa P92.5 bilyon na mga binasurang budget items ni Pangulong Marcos ay ang “lump sum” na P80.8 bilyon para sa Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP).
“Ang desisyon ni Pangulong Marcos na i-veto ang ilang item sa ilalim ng unprogrammed funds ay isang hakbang patungo sa ganap at tunay na pananagutan,” ani Tulfo.
Binigyang-diin din ni Sen. Erwin na ang pagpasa ng 2026 budget ay hudyat ng pagsisimula ng kanilang tungkulin sa pagbabantay at oversight.
Aniya, “Bagama’t nagawa ng Senado at ng Kamara de Representantes na isulong ang mga hakbang para sa transparency tulad ng madaling ma-access na budget portals at live streaming ng Bicam para sa badyet ngayong taon, dala namin ang malaking responsibilidad na tiyaking bawat pisong ginagastos ay para sa kapakinabangan ng sambayanang Pilipino. Babantayan namin kung paano isasakatuparan ang bawat proyekto upang wala nang maiwang hindi tapos o substandard na mga proyekto sa hinaharap. Ito pa lamang ang simula ng isang tunay na reporma sa pamahalaan.”














