Kinumpirma ni Metro Manila Council (MMC) president at San Juan City Mayor Francis Zamora na nakatakdang talakayin ng Metro Manila mayors ang posibilidad na i-regulate ang paggamit ng tubig sa ilang negosyo.
Layunin nito ang makatulong na maibsan o mabawasan ang epekto ng nagbabadyang krisis sa tubig, bunsod na rin ng patuloy na pag-init ng panahon.
Ayon kay Zamora, suportado ng MMC ang apela ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga negosyo na gumagamit ng maraming volume ng tubig na magtipid at limitahan ang paggamit ng tubig.
Sinabi ni Zamora na magpapatawag siya ng pulong sa mga local government officials upang talakayin ang naturang isyu.
“Pag-uusapan ang mga bagay at hakbang na pwede nating gawin upang siguraduhing ma-regulate natin ang paggamit ng tubig ng mga establisyimento, lalong lalo na ‘yung mga malakas ang konsumo,” pahayag pa ni Zamora, sa panayam sa radyo.
Sinabi pa ni Zamora na pag-aaralan ng konseho ang lahat ng posibilidad matapos na matanong sa posibilidad kung bukas ang MMC na magpatupad ng temporary ban sa mga car wash, swimming pool, at golf courses na malakas kumonsumo ng tubig.
“It’s more of regulating the use. ‘Yung total ban naman ay hindi agad agad masasabi ngayon… We can regulate the use. Regulate means talagang magbibigay tayo ng mga panuntunan o guidelines kung ano ba ang dapat gawin,” paliwanag pa niya.
Inihayag pa ng alkalde na kailangan muna nilang tukuyin kung anu-ano bang establisimyento ang maikokonsidera na talagang malakas ang konsumo ng tubig.
Aalamin rin aniya nila at pag-uusapan kung ‘necessary’ o kinakailangan ba ang mga ito at kung maaari bang bawasan.
Tiniyak naman ng alkalde na ikukonsidera rin nila sa gagawing desisyon ang mga business owners na siyang maaapektuhan ng panukalang magtipid ng tubig.