Pag-imprenta ng balota, sinimulang muli ng Comelec

By: Baby Cuevas

Muling pinasimulan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE).

Napag-alaman kay Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco na ganap na alas-10 ng umaga nang umpisahan ng National Printing Office (NPO) ang ballot printing.


Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na target pa rin nilang matapos ang pag-iimprenta ng mga balota hanggang sa Abril 14, na siyang orihinal na deadline, sa kabila ng tatlong linggong pagkaantala nito.

Aniya, layunin nitong masimulan nila kaagad ang distribusyon ng mga balota sa mga polling precincts sa buong bansa para sa halalan.

Ayon pa kay Garcia, plano nilang mag-imprenta ng 1.5 milyong balota araw-araw gamit ang anim na makina, upang matapos ang printing ng may 73 milyong balota para sa eleksiyon.


“Basta ‘yung April 14 natin na original timeline natin, dapat April 14 pa rin. Kung sakali man magkakaro’n tayo ng adjustment, later na lang namin ‘yung iisipin. But in the meantime, dapat and at all costs, makapagtapos tayo ng April 14,” pahayag pa ni Garcia.

“Sapagkat ‘yang mga balotang ‘yan ay hindi naman talaga perpekto. Meron at merong defective ballots na kakailanganin na i-reprint ‘yung mismong presinto kung saan nagkaro’n ng defective ballots. At the same time, ang pinakamahirap talaga ay ang pagshi-ship out ng mga election paraphernalia sa iba’t ibang parte ng ating bansa lalo na sa liblib na lugar,” dagdag pa niya.


Matatandaan na una nang ipinatigil ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota kasunod ng temporary restraining orders (TRO) na inisyu ng Korte Suprema pabor sa ilang kandidatong diniskuwalipika ng poll body.

Dahilan ito upang maantala ang pag-iimprenta ng mga balota at nasayang rin ang may anim na milyong naimprentang balota na nagkakahalaga ng P132 milyon dahil kailangang palitan ang mga ito, upang maisama ang mga pangalan ng mga kandidatong nakakuha ng TRO mula sa Korte Suprema.


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like