Inianunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules na sinimulan na nila ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota at iba pang mga forms na gagamitin para sa mga plebisitong idaraos sa apat na local government units (LGUs).
Sa isang kalatas na ibinahagi sa media ng Comelec-Education and Information Division (EID), sinabi ng Comelec na ang paglilimbag ng mga election paraphernalia ay sinimulan nitong Martes, Agosto 2.
Para anila ito sa mga plebisito na kinabibilangan ng 1) Ratipikasyon para sa paglikha ng Barangay New Canaan mula sa Barangay Pag-Asa sa Munisipalidad ng Alabel, Sarangani sa Agosto 20, 2022; 2) Ratipikasyon para sa konbersiyon ng Munisipalidad ng Calaca sa Batangas bilang component city sa Setyembre 3, 2022; 3) Ratipikasyon para sa dibisyon o paghahati ng Maguindanao Province sa dalawang lalawigan, na tatawaging Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur sa Setyembre 17 at 4) Ratipikasyon para sa pagsasama o merger ng 28 Barangay sa tatlong barangays na lamang at isang pang natitirang barangay, na pawang nasa Ormoc City sa Oktubre 8.
Ayon sa Comelec, ang pag-iimprenta ng mga naturang balota ay isinasagawa sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City. (Carl Angelo)














