Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin para sa 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ayon kay Comelec spokesperson Atty. John Rex , nagkaroon ng bagong development sa kanilang negosasyon sa National Printing Office (NPO) matapos na mag-alok ito na iimprenta ang karagdagang security feature ng mga balota ng walang bayad.
“Ngayon po (Miyerkules) sana kami dapat ay magtutuloy na po ng printing ng balota para sa BSKE ngunit kailangan po namin ito iurong next week kasi po may bagong development po with our negotiations with the National Printing Office (NPO). Ibinilin po nila na free of charge at no cost to the government po additional security feature —’yung ascending serial number — para mas maging secure ‘yung ating balota,” ani Laudiangco, sa panayam sa programa sa telebisyon nitong Miyerkules.
“By next week po we will start with the printing of the ballots,” aniya pa.
Tiniyak rin ni Laudiangco na may sapat pa silang panahon para mag-imprenta at magdeliber ng mga balota.
Dagdag pa niya, iniaalok rin ng NPO ang warehouse at warehousing services nito para sa mga balota.
Aniya, malaki ang maibabawas nito sa gastusin ng Comelec dahil hindi na nila kailangan pang umupa ng ibang warehouse.
“At ang pinakamaganda po sa usaping ito, gobyerno sa gobyerno or agency to agency procurement ang mangyayari dahil ang NPO ay national government agency rin,” pahayag pa ni Laudiangco.
Sa ngayon ay inihanda na rin aniya ng NPO ang tatlong printing machines nito na kayang mag-imprenta ng mahigit sa isang milyong balota kada araw.
“Kaya ‘yung 91.2 million or 92 million na balota na kakailanganin sa BSKE, kaya po itong tapusin sa loob ng 30 days. At isama pa po natin ‘yung verification at iba pang mga accountable forms kaya matapos ang pag-iimprenta sa loob lamang ng 45 days at mayroon po kaming sapat na oras para i-deploy ito sa buong bansa,” pagtiyak pa ni Laudiangco.
Tiniyak rin niya na ang mga iimprentang balota ay maaari pang gamitin sakaling tuluyan ngang muling maipagpaliban ang halalan sa susunod na taon.
Una nang inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang ipagpaliban ng isang taon ang 2022 BSKE, na nakatakda sanang idaos sa Disyembre 5. (Jaymel Manuel)














