NAKALIGTAS si Senator Leila de Lima sa kapahamakan matapos panandaliang gawing hostage ng isa sa tatlong detainees, kabilang na ang isang kilabot na lider umano ng teroristang grupong Abu Sayyaf, nang mapatay ang mga ito sa loob ng Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City kahapon ng umaga, sa nabigong tangkang pagtakas.
Kinumpirma ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na hindi nasaktan ang Senadora ng tangkain siyang sunggaban at gawing hostage ng isa sa tatlong kapwa niya detainees, subalit agad itong napigilan sa mabilis na pagkilos ng PNP Special Action Forces.
Agad na ipinag-utos ni General Azurin ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa tangkang pagtakas ng tatlong Person Under PNP Custody (PUPC) sa custodial facility, kabilang dito ang isang kilabot na lider ng Abu Sayyaf na may 34 iba’t- ibang kasong kinakaharap .
Kinilala ang tatlong PUPC na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao, Jr.
Si Susukan ay dinakip ng PNP noong Agosto 13, 2020, matapos na umano’y isuko ni MNLF chairman Nur Misuari at siya ay ‘wanted’ sa ilang high-profile kidnapping cases na may mga pinatay na hostages. Sinasabing wanted din ito sa Malaysia at kasabwat ni Malaysian terrorists Zulkifli Abdihur a.k.a. Marwan at Amin Baco a.k.a. Yohan .
Batay sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente alas-6:30 kahapon ng umaga, kung saan naghahatid ng pagkain si Police Corporal Roger Agustin sa Maximum Compound nang bigla siyang saksakin ng improvised na kutsilyo ng tatlong preso.
Mabilis na sumaklolo ang isang kasamahan ni Agustin at nabaril sina Cabintoy at Susukan habang tumakbo sa selda ni De Lima si Sulayao saka hinostage ang senadora.
“Nag-warning yung isang pulis natin… Nung hindi masawata yung tatlo, binaril niya yung dalawa. Yung isa ay tumakbo dun sa selda ni Sen. de Lima at hinostage si Sen. de Lima, ayon sa inisyal na ulat na ibinahagi ni Azurin
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Special Action Force at na-neutralized si Sulayao.
Ligtas na ang Senadora habang isinugod sa ospital ang nasaksak na pulis.
“And then, nagresponde nang mabilis yung ating kapulisan. They were able to secure and safe naman po na si Sen. de Lima. So, namatay yung tatlong preso na nagtangkang tumakas. Tension inside the detention facility has been diffused and the situation has returned to normal while investigation is ongoing to review the security protocols inside the PNP Custodial,” anang PNP. (VICTOR BALDEMOR)














