Iniutos ng Supreme Court (SC) ang pagdakip sa misis ng pinaslang na si Ferdinand”Enzo” Pastor, isang tanyag na racer.
Pinabalik rin ng SC ang hold departure order (HDO) matapos pagtibayin ang resolusyon ng prosekusyon na nakakita ng sapat na basehan o ‘probable cause’ para sampahan ng kasong parricide sa pagpatay kay Enzo ang misis nito.
Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, binaligtad ng Second Division ng SC ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na isinantabi ang kasong kriminal laban kay Dalia na misis ni Enzo.
Sinabi ng SC na sa pagdeklarang may probable cause, kailangan lang ng ebidensya na nagpapakita na mas malamang na may krimen na naganap at sangkot ang mga suspek at hindi kailangan ng ebidensyang “guilt beyond reasonable doubt”.
May sapat umanong ebidensya na nagpapakitang co-conspirator o kasabwat si Dalia sa pagpatay kay Enzo, base sa mga testimonya ng dating kasambahay nina Enzo at Dalia, ng gunman at ng gun-for-hire na unang kinausap ni Dalia at ng kanyang karelasyon na si Domingo de Guzman. Ito ay para umano patayin si Enzo, pero tumanggi dahil hindi sila nagkasundo sa presyo.
Ayon sa record ng korte,taong 2014 nang barilin si Enzo ng isang lalaki habang lulan ng minamanehong truck na nakahinto sa panulukan ng Visayas Avenue at Congressional Avenue, papuntang Clark, Pampanga.
Paghinto sa traffic light ay nilapitan umano ng gunman si Enzo at saka binaril nang malapitan.