IPINAG-UTOS ng Manila Regional Trial Court Branch 44 ang pagpapa-aresto sa 29 kapulisan na sangkot diumano sa kontrobersiyal na P6.7 milyong shabu drug haul sa Maynila noong taong 2022.
Sa order na inilabas ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Gwyn Calina na may petsang Enero 14, 2025, ipinaaresto nito ang 29 na akusado na kinabibilangan ng 22 pulis na pawang aktibo pa sa serbisyo.
Inirekomenda rin ni Calina na maglagak ng tig-P200,000 piyansa ang mga akusado para sa pansamantala nilang kalayaan.
Ang pagpapaaresto ay dahil sa umano’y paglabag nila sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, nang umano’y magkaroon ng ‘coverup’ sa operasyon, na sinasabing nagresulta sa pagkakakumpiska ng 990 kilo ng shabu sa Maynila.
Napag-alaman na ang arrest order ay para lamang sa mishandling o kapalpakan sa prosekusyon na nagawa ng mga naturang pulis.
Hindi pa nagpapalabas ng hiwalay na arrest warrant ang korte para sa kasong pagtatanim ng ebidensiya, na kinakaharap rin ng mga naturang pulis at walang kaukulang piyansa.














