PINAWALANG-BISA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kautusan ng kalihim ng bagong Department of Migrant Workers (DMW) na pagtanggal sa suspensyon sa deployment sa Kingdom of Saudi Arabia.
Tinukoy ng DOLE ang inilabas na Department Order No. 04 nitong Abril 25 na inilabas ni Secretary Abdullah D. Mama-o, na pagtanggal sa suspensyon sa pagpapadala ng mga bagong hire na manggagawa sa KSA.
“The public is hereby informed that the Department of Labor and Employment (DOLE) has not issued any order lifting the said suspension,” ayon sa pahayag ng DOLE.
“As such, the verification of employment documents for new hires bound for the Kingdom of Saudi Arabia shall REMAIN SUSPENDED,” dagdag pa ng kagawaran.
Tinukoy ng DOLE na sa ilalim ng Sec. 23 ng Republic Act No. 11641 (Department of Migrant Workers Law), nakamandato ang tatlong ‘enabling conditions’ bago tuluyang mabuo ang DMW.
Kabilang dito ang: 1) aprubado at epektibong ‘implementing rules and regulations; 2) aprubadong ‘staffing pattern’; at 3) aprubadong pondo sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.
Hanggang hindi natutupad ang naturang mga kundisyon, iginiit ng DOLE na hindi maaaring magpatupad ng anumang polisiya ang kalihim ng DMW.
Sa pagharang sa kautusan ni Mama-o, sinabi ng DOLE na naglabas si Executive Secretary Salvador Medialdea ng memorandum nitong Abril 5 na dahil hindi pa ganap na nabubuo ang DMW, lahat ng ahensya ng pamahalaan na nakapaloob sa RA No. 11641 ay patuloy na mananatili at ipagpapatuloy ang kasalukuyang mga mandato. (Carl Angelo)














