BINIGYANG-diin ni Senador Erwin Tulfo na ang pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo ay hindi sasapat upang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng mabilis na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sinabi ni Tulfo sa pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) ad hoc committee noong Lunes, Abril 13, 2026 na ang pagbabawas ng excise tax ay dapat sundan sa pagtanggal ng value-added tax sa petrolyo upang mapagaan ang pasanin ng mataas na presyo ng mga bilihin para sa pangkalahatang publiko—at hindi lamang para sa mga pasahero at may-ari ng sasakyan.
“May mga nagsasabi po, Mr. Chair, na yung pag suspinde po sa excise tax na ipinasa po natin dito, isinumite na po sa Pangulo, will not be sufficient,” ani Tulfo.
Kaugnay niyan ay inilarawan ng Senador ang pagkaltas ng 10 porsiyentong excise tax na maganda “para sa isang press release” at mararamdaman ng mga may-ari ng sasakyan at mga drayber ngunit hindi ng publiko sa pangkalahatan.
“Pero actually, hindi po talaga mararamdaman ng mga tao po ito, itong 10 percent reduction sa excise tax,” anang Senador, na nagmungkahi na dapat ding alisin ang VAT upang makinabang ang publiko sa ganitong pansamantalang pagbabawas o pagtanggal.
Dagdag pa nito: “Mararamdaman po ito kung yung VAT din ay aalisin din po natin. Pero kung aalisin natin ang excise tax sa mga gasolina, mararamdaman po ng konti yun ng mga may sasakyan. Pero yung mga nag-commute po, hindi nila mararamdaman po ito.”
Sinabi niya na sa kanyang bersyon ng panukala na Senate Bill No. 1935, ang VAT sa pagbebenta ng mga produktong petrolyo ay awtomatikong sususpindihin din kapag ang average na presyo ng Dubai crude oil, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ay umabot sa $80 bawat bariles.
Ang panukalang batas ay nagmumungkahi rin na ipawalang-bisa ang VAT sa mga imported na produktong petrolyo kapag naabot na ang parehong antas ng presyo.
Bukod dito, layunin ng panukalang ito na awtomatikong itigil ang pangongolekta ng excise taxes sa mga produktong petrolyo kapag umabot o lumampas ang pandaigdigang presyo ng langis sa $80 kada bariles.
Sa parehong pagdinig, sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na pinag-aaralan ng ahensya ang mga implikasyon ng anumang mga panukala na makakaapekto sa kabuuang fiscal and economic system.
Nitong Marso 25, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa kanya ng emergency power na suspindihin o bawasan lamang ang excise tax rate sa gasolina. Ang pagbawas sa excise tax sa diesel at gasolina, gayunpaman, ay aabutin ng 15 araw matapos pirmahan ni Marcos ang batas bago ito magkabisa.














