Latest News

PAF, NAGHAHANDA SA GAGAWING CLOUD SEEDING

By: Victor Baldemor Ruiz

UPANG makatulong na mabawasan ang matinding epekto ng nararanasang tag-init dala ng El Nino phenomenon. nakahanda ang Philippine Air Force na tumulong sa pagsasagawa ng cloud seeding operations.

Ayon kay Philippine Air Force Spokesperson Col. Ma Consuelo Castillo, sa katunayan ay may dalawang air asset na silang inihanda sakaling ipag-utos na pasimulan na ang ‘cloud seeding’ sa mga lugar na dumaranas na ng tagtuyot.

Ito ay bunsod na rin ng nakaambang kakapusan ng suplay ng tubig dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa mga dam gaya ng Angat Dam reservoir na pinagkukunan ng tubig- inumin.


Sa pahayag ni Col. Bon Castillo, tuloy- tuloy ang kanilang koordinasyon sa DA-Bureau of Soils and Water Management at DA-BSWM Water Resources Management Division para sa pagsasagawa ng cloud seeding operations.

Sa katunayan, noong nakalipas na taon ay makailang beses silang nagsagawa ng nasabing aktibidad at ngayon ay nakaantabay na ang kanilang LC210 at NOMAD 22 na siyang magsasagawa ng ‘cloud seeding operations’ sa areas na tatama sa Angat Dam, ani Castillo.


Nabatid na patuloy ang pagbaba ng level ng tubig sa mga pangunahing dam sa Luzon base sa datos ng PAGASA Hydrology Division kung saan sumadsad na 178.80 meters ang water level sa Angat dam, habang malaki rin ang ibinaba ng lebel ng tubig sa mga dam ng Ambuklao, Binga at Magat.Bumaba rin nang bahagya ang water level sa Ipo dam, La Mesa Dam, San Roque Dam, Pantabangan Dam at Caliraya.

Kaugnay nito, lumalabas din sa datos na lahat ng mga nabanggit na dam ay mas mababa na sa kanilang operating level.


Tags: Philippine Air Force

You May Also Like

Most Read