SUMAKABILANG-BUHAY na ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor noong April 16. Siya ay 71.
Ito ay kinurpirma ng anak ng legendary singer and actress na si Ian de Leon.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Ian: “We love you Ma… alam ng (Diyos) kung gano ka namin ka mahal.. pahinga ka na po Ma.. nandito ka lang sa puso at isipan namin…”
Hindi pa ang inihahayag ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Kamakailan lamang, pumanaw naman ang Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales noong April 12 sa edad na 87.
Si Nora, na ang tunay na pangalan ay Nora Cabaltera Villamayor, ay itinanghal na National Artist for Film and Broadcast Arts dahil sa kanyang kontribusyon sa pelikulang Pilipino at telebisyon.
Sumikat siya mula sa pagiging singing champion sa Tawag ng Tanghalan noong 1960s hanggang sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang “Tatlong Taong Walang Diyos,” “Himala,” “Bona,” at “Thy Womb.”
Itinuturing din si Nora bilang “greatest actress” ng kanyang henerasyon.
Noong 2022, iginawad sa kanya ang pagiging National Artist.
Siya rin ang nag-iisang Pilipina na nagwagi bilang Best Actress sa Asian Film Awards, naging FAMAS Hall of Famer at pinarangalan sa major international festivals kabilang na ang Cairo and Asia Pacific Screen Awards.