NAG-ABISO ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa publiko, lalo sa mga Overseas Filipino Workers, na planuhin nang maaga ang pagpapadala ng mga balikbayan boxes lalo na ngayong Christmas season.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mas mabuting ipadala nang maaga ang mga balikbayan box para masigurong matatanggap agad ng kanilang mga mahal sa buhay ang kanilang mga regalo o ipinadalang gamit sa kanilang kaanak sa Pilipinas.
Paalala ni Santiago, inaasahan nang mataas ang volume o bilang ng mga ipinapadala ngayong holiday season kaya mahalagang ipadala ito nang maaga upang maiwasan ang anumang abala.
Dahil sa volume ngayong holiday season ay posibleng abutin ng Pebrero sa susunod na taon na makarating ang mga balikbayan boxes bago matanggap ng kanilang mga pamilya.
Paliwanag ni GM Santiago, nasa 45 araw ang itinatagal tuwing regular na araw bago makarating sa bansa ang mga packages subalit dahil sa holiday season ay asahan na mas matatagalan pa ito at posibleng umabot pa ng Pebrero bago matanggap ng kanilang mahal sa buhay.
Kaugnay nito, nagpaalala rin si Santiago lalo na sa mga OFWs, na makipag-ugnayan sa mga lehitimong freight forwarders para sa mga update sa kanilang mga ipinadala.
Nagbabala rin sa publiko si Santiago na huwag maniwala sa mga text o tawag na nagsasabing may kailangang bayaran para mapabilis ang paglalabas ng mga kargamento.