Pinaalalahanan ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang sambayanang Pilipino sa panahong inuuna ng ilan ang tsismis kaysa katotohanan at ingay kaysa katinuan, na hindi aniya kailangan ng katotohanan ng drama at nananatili ito dahil totoo.
“Maraming nakakalimot na lumalakas lang ang boses ng kasinungalingan dahil ayaw makipag-away ng katotohanan. Hindi kailangan ng katotohanan ang palabas para paniwalaan at habang patuloy ang pagkalat ng mga walang basehang paratang, tahimik ngunit tuloy-tuloy ang pagtatrabaho ni Pangulong Marcos at Unang Ginang Liza Araneta Marcos para sa kapakanan ng bansa,” ani Goitia.
Hindi umano humihinto ang pamahalaan dahil lamang may gustong lumikha ng iskandalo at aniya, patuloy ang pag-unlad ng bansa at ng mga hamon at sa gitna ng lahat, nananatiling nakatutok si Pangulong Marcos sa kanyang tungkulin nang may disiplina at malinaw na direksyon.
“Umuunlad ang ekonomiya. Patuloy ang mga imprastruktura. Mas maraming pamilya at komunidad ang naaabot ng tulong at serbisyong panlipunan. Lumalakas ang relasyon sa lokal na pamahalaan at mga kaalyado sa ibang bansa. Lahat ng ito ay nagpapatuloy dahil hindi nagpapadala ang Pangulo sa inga. Ang tunay na lider ay hindi nagpapadikta sa sigawan. Nagseserbisyo sila anuman ang sabihin ng iba,” ani Goitia.
Dagdag pa ni Goitia na ang mga nagtataguyod ng bansa ay walang oras para sa gulo at ang Unang Ginanng ay pinupuntirya dahil hindi sumabay sa gulo.
“Hindi dahil sa anumang pagkukulang kaya isinasangkot ang Unang Ginang sa mga walang basehang paratang. Ginagawa ito dahil tumatanggi siyang makisabay sa ingay ng pulitika. Nakatuon si Liza Araneta Marcos sa kultura, edukasyon at pagpapalakas ng pamahalaang institusyonal,” saad ni Goitia..
“Ang hindi nila kayang kontrolin, ay siya nilang inaapakan. Kaya tinatarget ang Unang Ginang, dahil hindi niya sila pinapatulan. Trabaho ang inuuna niya, hindi kaguluhan. Ang kanyang katahimikan ay tanda ng lakas at dignidad. Ganito kumilos ang lider na inuuna ang resulta, hindi ang pansamantalang atensyon,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa kanya, sinumang totoong sumusubaybay sa Pangulo ay makikita ang katotohanan na hindi kayang itago ng paninirang-puri.
“Nagtatrabaho siya araw araw. Nangunguna sa cabinet meetings, nagsasagawa ng inspeksyon, nakikipag-ugnayan sa mga lokal at pandaigdigang lider, at nagpapatuloy sa repormang pang-ekonomiya. Kung may lider kang makikitang matatag sa gitna ng sunod-sunod na pagsubok,” pahayag ni Goitia, “iyan ang lider na inuuna ang bayan bago ang sarili at hindi kayang tabunan ng ingay ang konkretong ebidensya ng kanyang pamumuno,” aniya pa.
Binigyang-diin ni Goitia na ang walang basehang paninira ay hindi lang nakakasira ng pangalan at nakakasira ito ng bansa, nililito ang bayan, hinahati ang komunidad, pinapahina ang mga institusyon at pinipigil ang pag-unlad.
“Lason ang tsismis. Hindi ito naglilingkod sa bayan. Naglilingkod lang ito sa mga gustong maghasik ng kaguluhan,” babala pa ni Goitia sabay himok niya ang publiko na hanapin ang ebidensya, hindi emosyon, katotohanan, hindi haka-haka.
Kahit may paninira at kaguluhan, nananatili umano ang isang bagay—hindi tumitigil si Pangulong Marcos at ang Unang Ginang sa kanilang serbisyo at patuloy nilang pinapalakas ang bansa sa tahimik at tapat na paraan.
“Habang inuubos ng iba ang oras nila sa paggawa ng ingay, ang Pangulo at ang Unang Ginang ay nagtatrabaho. Iyan ang tunay na liderato. Ang natitirang miyembro ng Pamilya Marcos ay nananatiling may dignidad at nakikiisa sa layuning pag-isahin at palakasin ang bansa. Sa huli, hindi mahalaga kung sino ang pinakamalakas ang boses. Ang mahalaga ay kung sino ang may gawa para sa sambayanan. At hanggang ngayon, nagpapatuloy ang trabahong iyon. Tahimik. Matatag. Hindi natitinag,” ayon pa kay Goitia.














