Latest News

P900 MILLION SMUGGLED GOODS, NASAMSAM

By: Victor Baldemor Ruiz

ITINATAYANG nasa mahigit P900 million ng mga hinihinalang ‘counterfeit’ at smuggled goods ang nasamsam sa ikinasang anti-smuggling operation ng Bureau of Customs, Philippine National Police at Philippine Coast Guard sa Plaridel, Bulacan.

Ayon sa ulat, isang malaking bodega ang sinalakay ng Aduana sa pakikipagtulungan ng Manila International Container Port (MICP), Intelligence Group, Enforcement Group, PNP , PCG at lokal na barangay.


Agad na inilunsad ang anti-smuggling operation matapos na binigyang bisa ito ni Commissioner Bienvenido Rubio matapos niyang maglabas ng Letter of Authority upang masuri ng BOC composite team ang bodega na matatagpuan sa bayan ng Plaridel.

Matapos ang masusing pagsusuri, nadiskubre ng Bureau of Customs ang isang imbak ng mga sigarilyo, general merchandise, housewares, kitchenware at counterfeit goods na hinihinalang ipinuslit sa bansa.

Ipinag-utos na pansamantala munang isara ang malaking bodega kung saan natagpuan ang mga smuggled items, hanggat hindi nakapagpapakita ang may-ari nito ng mga kinakailangang dokumento, kabilang na ang patunay na pagbabayad ng mga tungkulin at tamang buwis, gayundin ang permit sa pag-aangkat ng mga produkto.


Ayon kay Commissioner Bienvenido Rubio,“nananatiling matatag ang Bureau of Customs sa kanilang pangako na labanan ang mga ilegal na aktibidad katulad ng smuggling at patuloy na pagprotekta sa interes ng publiko.”


Tags: Bureau of Customs, Philippine Coast Guard, Philippine National Police

You May Also Like