Latest News

P750-M imprastraktura, P40-M power supply, nawasak ng bagyo

By: Victor Baldemor Ruiz

Umaasa umano ang National Risk Reduction and Management Council na gaganda na ang panahon hanggang sa susunod na linggo ayon sa pagtataya ng state weather bureau, kaya agad na naglunsad ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga apektadong lugar at rehiyon na dinaanan ng super typhoon Pepito, ang panghuli sa hilera ng apat na bagyong tumama sa Luzon.

Ayon sa PAGASA, may posibilidad na isa hanggang dalawang sama ng panahon ang tatama pa sa bansa sa buwan ng Disyembre, kaya agad na nagsagawa ng RDANA ang OCD para matukoy ang lawak ng naging pinsala ng nagdaang bagyo sa bansa na ‘Marce’ (Yinxing), ‘Nika’ (Toraji), ‘Ofel’ (Usagi) at ‘Pepito’ (Man-Yi).


Paliwanag ni OCD-OIC, Assistant Secretary for Operations Cesar Idio, ang RDANA ay isang mekanismong ginagamit upang matukoy ang lawak ng pinsala at mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

Kaugnay nito, dalawang ‘blackhawk helicopters’ ng Philippine Air Force ang ipinadala sa Region 5, partikular sa Catanduanes, upang magsagawa ng aerial survey at maghatid ng mga inisyal na relief items sa nasabing probinsya.

Samantala, iniulat din ni Asec. Idio na nakaranas ng power interruption ang Region 3, partikular sa mga lalawigan ng Tarlac, Aurora, at Nueva Ecija, dulot ng bagyo.


Sinasabing nag-iwan ng kabuuang P40,675,916.70 na halaga ng pinsala ang huling apat na bagyong tumama sa Pilipinas, ayon sa National Electrification Administration (NEA)

Batay sa report na inilabas ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), mayroong 21 probinsya mula sa pitong rehiyon sa buong bansa ang regular na binabantayan matapos maiulat ang labis na pinsalang iniwan ng apat na bagyo.


Iniulat ng mga electric cooperative sa mga naturang probinsya na nagtamo ng pinsala ang ilang mga transmission lines at transmission facilities sa pagbayo ng mga naturang bagyo.

Samantala, umaabot naman sa mahigit P750 million ang halaga ng naitalang pinsala sa imprastraktura.


Sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ?290 million ang halaga ng mga nasirang kalsada, mahigit P14 million ang pinsala sa mga tulay, habang mahigit P446 milion ang danyos sa mga flood control structures.

Sa ngayon ay nasa 21 kalsada pa sa Luzon ang hindi madaanan dahil sa epekto ng paghagupit ng Bagyong Nika, Ofel at Pepito.

Ito ay mula sa Ilocos Norte, Apayao, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Isabela, Cagayan, Quirino Province, at Aurora.



Tags: National Risk Reduction and Management Council

You May Also Like