RECORD-breaking ang naitalang halaga ng smuggled at prohibited item na nasabat at nakumpiska ng Bureau of CustomS sa loob lamang ng sampung buwan na umaabot sa P72.091-billion.
Sinasabing record- breaking ito dahil nahigitan ang level na naitala ng Aduana para sa buong taon ng 2023 at isang bagong record para sa ahensiya.
Sa isang statement, sinabi ng BOC na ngayong Oktubre ay nakakumpiska ito ng P3.09-billion na smuggled goods, kabilang ang P2.3-billion na halaga ng iba’t- ibang puslit or counterfeit commodities, P22.3-million na halaga ng sigarilyo at P420-million vessel na may lulang smuggled petroleum products.
Lumalabas din sa datos ng Aduana na may P42.16-million na halaga ng illegal drugs ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at P323-million na halaga ng smuggled na mga sako ng bigas.
Dahil dito, mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon ay umabot sa P72.091-billion ang halaga ng smuggled goods na nakumpiska ng BOC, tumaas mula P43.29 billion na naitala sa buong taon ng 2023.














