P7.3-M HALAGA NG SMUGGLED PANTIES, UNDERWEAR, BUKING

By: Victor Baldemor Ruiz

ITINATAYANG aabot sa P7.3 billion halaga ng mga smuggled at counterfeit underwears, medyas at assorted merchandise ang nadiskubre ng mga tauhan ni Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Rubio sa mga sinalakay na bodega sa Caloocan at Bulacan.

Ayon sa report na isinumite sa tanggapan ni Comm Rubio nagsagawa ng sabay-sabay na warehouse raids ang Bureau of Customs – Manila International Container Port (BOC-MICP) sa Bocaue, Bulacan at Caloocan na naging daan para matuklasan ang mga pekeng produkto gaya ng underwear, hardware products, at iba pang gamit.


Ayon kay Rubio, ang operasyong ito ay isang mahalagang hakbang sa patuloy na pagsisikap na ganap na matuldukan ang pagdagsa ng mga smuggled goods sa bansa, kaya inatasan niya ang BOC Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP).

Sa operasyon sa Caloocan City, natuklasan ng mga awtoridad ang 3,500 bale ng mga pekeng underwear at medyas na may mga tatak ng sikat na brand na itinatayang nasa P4.3 bilyon ang halaga.

Sa karagdagang pagsisiyasat sa iba pang mga bodega, natuklasan din ang mga karagdagang ipinagbabawal na produkto na nagkakahalaga ng P70 milyon, kabilang ang mga pambabaeng sandals, speaker, food items, industrial pipe fittings at sanitary kitchenware.


Ang isa pang operasyon sa mga bodega sa Bocaue, Bulacan ay humantong din sa pagkakadiskubre ng iba’t-ibang gamit na aabot sa halagang P3 bilyon.

Kasama sa mga produkto na ito ang mga gamit sa kusina, liquid detergents, playing cards, hardware materials, appliances, clothing apparel, laruan, computer accessories, gadget, cosmetics, school supplies, plastic wares, power tools, mosquito coils, swimming vest and pools, mga laruan, scented candles, party materials, skateboard at alkansya, cash box, tent, at iba pang pangkalahatang paninda.


Samantala ipinagmalaki ng Aduana na umaabot sa P43.3 bilyong halaga ng mga smuggled goods ang nasamsam ng mga tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) ng Bureau of Customs (BOC) nito lamang nakaraang taon.

Inihayag ito ni Rubio sa pagdiriwang ng ika-36 taon ng serbisyo ng ESS, ang Enforcement Group ng Aduana na naging instrumento din aniya sa pagpapatupad ng Fuel Marking Program na isang mahalagang hakbangin na naglalayong labanan ang pagpupuslit ng gasolina.


Tags: Bureau of Customs Commissioner Bienvenido Rubio

You May Also Like