NASA isang kilo ng imported shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon ang nasabat mula sa isang lalaking claimant sa ikinasang controlled delivery operation ng Philippine Drug enforcement Agency (PDEA) sa Malagasang 2B sa Imus City, Cavite.
Sa isinumiteng ulat kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, nadakip ng kanyang mga tauhan ang isang Razel John Manuel, 22, ng Green Gate Home Phase 2 Blk 30 Lot 6 Malagasang 2b, Imus, Cavite.
Una nang nadiskubre na ang bagahe na nagmula sa Johannesburg, South Africa at dumating sa port ng Clark noong Marso 11, 2022 ay naglalaman ng iligal na droga .
Ang pakete ay naka- address sa isang Diaz at sinasabing ihahatid sa kanyang address sa Angeles city. Dito na umaksyon ang operatiba upang makipag-ugnay sa consignee ngunit bigo sila na matunton ito.
Noong Marso 20, itinuro ng courier service ang lugar na pagdadalahan ng bagahe sa Cavite,at dito na isinagawa ang controlled delivery ng bagahe na may lamang kontrabando
Sa pagkakataong ito ay lumutang ang suspek na si Manuel upang i-claim ang bagahe at dito na siya inaresto nang tanggapin ang isang pakete na naglalaman ng isang kilo ng shabu.
Ang operasyon ay pinangunahan ng PDEA Pampanga, Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, BoC Port of Clark, PDEA Calabarzon at Imus City Police.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag ng seksyon 4 (importasyon ng mga mapanganib na gamot) ng RA 9165 . (VICTOR BALDEMOR)