Nanawagang muli ang grupong Filipino Nurses United (FNU) sa gobyerno na pabutihin ang kundisyon ng mga nars sa bansa, kabilang ang pagbibigay ng P50,000 basic salary kada buwan, upang mahikayat ang kanilang mga kasamahan na manatili sa Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ng FNU ang hinihinging ‘entry salary’ na P50,000 sa pampubliko at pribadong nurses, ay makakatulong na mabuhay sila ng disente at katumbas umano ng krusyal na papel ila sa promosyon at proteksyon ng kalusugan ng mga Filipino.
Sa kasalukuyan, higit sa 100,000 nars sa pribadong sektor ang sumasahod lamang umano ng P537 kada araw sa Metro Manila at mas mababa pa sa labas nito. Mas mababa ito sa P570 na minimum wage sa NCR.
Sa mga pampublikong ospital naman, nasa P35,000 lamang ang ‘minimum salary’ na bagaman mas mataas ay matindi naman umano ang sakripisyo nila dahil sa dami ng trabaho at pasyente.
“Lahat kami sa government at nurses sa private sector ay medyo hirap talaga kaya di niyo kami mapipigilan na umalis ng bansa kasi mas mataas ang ino-offer nila sa amin,” saad ni Ivan Paguio, pinuno ng FNU-San Lazaro Hospital.
Sinabi naman ni FNU vice presidente Eleanor Nolasco na may pondo naman para dito ang pamahalaan. Maari umanong makuha ito sa ‘unprogrammard funds’ para sa pagtataas sa sahod at pagkuha pa ng dagdag na 42,000 nars para sa mga barangay health centers at 10,000 na mare-regular.
Nagpahayag naman ng suporta si Department of Health officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa panawagan ng mga nurse at iginiit sa Department of Budget and Management at mga mambabatas na gumawa na ng hakbang para masuportahan ng batas ang nasabing kahilingan. (Anthony Quindoy)














