P500-M inilaan para sa tulong-pinansyal ng mahihirap na mag-aaral

May sapat na pondo ang gobyerno para sa cash assistance sa mga mahihirap na estudyanteng papasok ngayong pasukan sa Agosto 22.

Ito ang tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa Malacanang matapos dumalo sa cabinet meeting na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes ng umaga.


Ayon kay Tulfo, mayroong P500 milyon na nakatabi sa budget ng DSWD katay tinitiyak nito na hindi mauubusan ng pondo ang ahensiya.

“Don’t worry ho, bayan, nakasubi na ho iyong budget. Hindi ho kayo mauubusan niyan kasi we saved around 500 million po na pondo para po sa mga estudyante natin na indigent na kailangan po ng mga gamit – five hundred million po iyan all throughout the country,” ani Tulfo.

Pwede aniyang magpa-appointment sa pamamagitan ng online o kaya ay walk-in subalit mas pinapayuhan nila ang mga mahihirap na estudyanteng mag-email na muna sa kanilang tanggapan.


“Ngayon, pwede pong through appointment via internet, puwede po kayong mag-email sa amin; pwede rin pong walk-in sa araw ding iyon. Pero we advise na mas maganda ho siguro kayo po ay mag-email na lamang muna sa amin,” dagdag ni Tulfo.

Anim na Sabado aniyang tatakbo ang pamimigay ng cash assistance hanggang sa masigurong nabigyan lahat ng ayuda ang mga mahihirap na estudyante sa bansa.


Aminado naman si Tulfo na wala silang mekanismo para i-counter check kung totoong ginamit para ipambili ng school supplies ang perang ibibigay sa mga mahihirap na estudyante.

Hindi naman aniya siguro pipila sa DSWD office at maghihintay ng mahabang oras ang mga gustong makatanggap ng tulong kung gagamitin lang ito sa ibang bagay.


Tags: Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo

You May Also Like