P5- BILLION VAPE AT VAPE PRODUCTS, NASAMSAM NG ADUANA SA LOOB NG 10 BUWAN

By: Victor Baldemor Ruiz

Inanunsiyo ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio na umabot na sa mahigit P5-bilyon na halaga ng mga iligal na vape products ang kanilang nakumpiska sa loob lamang ng sampung buwan.

Pagmamalaki ni Comm Rubio, ang nasabing halaga ay resulta ng pinaigting na kampanya nila laban sa iligal vape at mga vape products sa bansa.


Sinasabing ang pinaigting na kampanya ay bahagi ng ginagawang pagbabantay ng BOC para ipatupad ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act and the Customs Modernization and Tariff Act.

Katuwang din nila ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of Trade and Industry (DTI) sa nasabing operasyon.

Sinabi ni Rubio na ang mga pagsisikap na ito ay nagbunga ng matagumpay na pag-uusig sa mga indibidwal na sangkot sa vape smuggling.


Bukod umano sa P5.070 bilyong halaga ng vape products na nasamsam mula Enero hanggang Oktubre, sinira rin ng BOC ang 14,100 kahon ng mga forfeited vape products na nagkakahalaga ng P1.480 bilyon at natuklasan sa Valenzuela noong Oktubre 2023.

Nakumpleto ang pagsira noong Abril 5, 2024 at ayon kay Rubio, tinapos ng BOC ang pagkondena sa 19,800 at 8,400 na kahon ng nasamsam na vape at mga produkto nito noong Agosto 16, 2024.


Kabilang sa mga matagumpay na operasyon kamakailan ang pagsamsam ng P12.6 milyong halaga ng mga smuggled na disposable vapes sa San Pedro, Laguna at P6.475 milyong halaga ng iba’t -ibang vape device sa Quiapo, Maynila.


Tags: Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio

You May Also Like