MAY P5.4 milyong halaga ng party drug na ecstasy mula sa Brussels, Belgium ang nasabat ng Bureau of Customs sa Port of Clark.
Nabatid na isinailalim sa ‘x-ray scanning’ ang isang shipment na idineklarang “Bass Booster”. Dito nakita ang imahe na kahalintulad sa mga tabletas.
Dahil dito, nagsagawa ng pisikal na eksaminasyon na natagpuan ang isang JBL brand na booster speaker ngunit natagpuan rin ang apat na plastic sachet na naglalaman ng mga tabletas at isiningit sa pagitan ng mga karton. Nasa 3,215 na tabletas na iba-iba ang hugis ang natuklasan.
Una ring isinailalim sa K9 unit examination ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang shipment na nagbigay ng indikasyon na may laman itong iligal na droga.
Ilang sampol ang dinala sa PDEA para sa ‘laboratory analysis’ na nagkumpirma na ito nga ay Methylenedioxymethamphetamine o Ecstasy.
Naglabas na ng warrant of seizure and detention ang BOC sa shipment dahil sa paglabag sa R.A. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nitong Pebrero 28, ibinigay na ang naturang mga iligal na droga sa pangangalaga ng PDEA para sa tamang disposisyon nito. (Philip Reyes)