ITINATAYANG nagkakahalaga ng P5.3 milyon ang mga smuggled na sigarilyong winasak Bureau of Customs Sub-port ng Puerto Princesa.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Custom Commissioner Yogi Ruiz, nasa 207 kahon at 3,507 reams ng smuggled na sigarilyo ang winasak sa Palawan.
Pinangunahan ni Puerto Princesa Port Collector Gladys Fontanilla-Estrada ang naturang operasyon nitong nakalipas na linggo kasama ang Philippine National Police Maritime Group, Philippine Coast Guard Palawan, at National Bureau of Investigation Puerto Princesa District Office.
Nabatid na sinira at ibinabad sa tubig ang mga ilegal na kontrabando sa Palawan Flora and Fauna Watershed Reserve sa Irawan, Puerto Princesa Cit, alinsunod sa Section 1146 at 1148 ng Customs Modernization and Tariff Act.
Kaugnay nito ay tiniyak ng ahensya na mas paiigtingin pa ang border security upang maharang ang pagpasok ng mga ilegal na kontrabando sa bansa. (VICTOR BALDEMOR)