Latest News

P470 MINIMUM WAGE, HININGI NG TUCP

INIHAIN na ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board – National Capital Region ang P470.00 umento sa arawang minimum wage ng manggagawa sa Metro Manila.

Target ng TUCP , na maitaas ang arawang sahod ng mga manggagawa sa P1,007 sa National Capital Region (NCR) mula sa kasalukuyang minimum wage na P537.

Ito ay sa gitna ng tuloy tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo nitong mga nakalipas na linggo na posibleng palalain pa ng naka-ambang pagtaas ng inflation sa bansa .

Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, ang naturang halaga ay base sa mga serye ng konsultasyon na kanilang ginawa at umaasa na pag-aaralang mabuti at aaprubahan ang hiling nilang wage increase.

Lubha na umanong hindi angkop ang napakaliit na arawang kita ng mga manggagawa sa lumolobong presyo ng bilihin at serbisyo kaya’t hindi ito sapat sa kasalukuyang sitwasyon.

Sinabi naman ni TUCP President Raymond Mendoza na ang karagdagang P470.00 ay sapat lamang para makabili ng pagkain at iba pang pangangailangan ang isang ordinaryong manggagawang Pilipino.

“Matagal-tagal na ring walang dagdag na sahod ‘yong mga manggagawa at napakaliit na ng take-home pay,” “Non-negotiable po ito at baka pagalitan ho tayo ng mga manggagawa,” ani Tanjusay.

Umaasa umano ang TUCP na bago mag-Semana Santa ay may desisyon na ang wage board dito. Inaasahang magpapatawag ng konsultasyon ang wage board sa mga negosyante at employer, at hiwalay na pulong kasama ang mga manggagawa.

Nauna nang inutusan ni Labor Secretary Silvestre Bello ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board na madaliin ang pag-aaral sa pagtataas sa minimum wage.

Samantala , bukas naman ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa hirit na umento sa sahod ng ilang labor group, ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr.

Nilinaw ni Ortiz, dumadaan sa masusing proseso ang pag-adjust sa minimum wage kung saan pinag-uusapan nang maigi ito ng mga kinatawan ng employers, manggagawa at mga ahensya ng gobyerno.

Subalit inihayag nito na posibleng 16% lamang ng 44 milyong Pinoy na nasa labor force ang makikinabang sa hirit na wage hike, dahil sila yung mga nagtatrabaho sa formal sector.

At posibleng madagdagan pa ang mawawalan ng trabaho dahil karamihan sa mga micro enterprises na kumakatawan sa 90% ng mga enterprise sa bansa ay pinipilit pa ring bumangon matapos padapain ng COVID-19 pandemic. (VICTOR BALDEMOR)

Tags:

You May Also Like

Most Read