NASA P44-milyong halaga ng sibuyas na nagmula pa ng China at diumano’y planong ibenta sa merkado sa Pilipinas ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC).
Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port o CIIS-MICP Chief Alvin Enciso, muling nakasabat ng karagdagang dalawang shipment na two-footer containers matapos na sumailalim sa kanilang pagsusuri.
Dito bumulaga ang mga smuggled na puting sibuyas na nasa P44 million ang halaga.
Sinabi pa ni Enciso na magsasampa sila ng kaukalang smuggling, criminal at iba pang kaso laban sa mga sangkot sa pagpupuslit ng mga nasabing sibuyas.
Noong January 10, 2023 ay una nang nakasabat ang BOC ng P153- million na halaga ng mga pula at puting sibuyas na nagmula rin sa China kung saan una itong idineklarang ‘fishballs’ at naka-consign sa Seaster Consumer Goods.
Binulgar pa ni Enciso na mayroon pang shipments na bubuksan at susuriin ng BOC kaya inaasahan nilang madadagdagan pa ang kanilang makukumpiska.
Bukod dito, walang tigil ang BOC sa trabaho para masiguro na hindi na uubra ang anumang uri ng smuggling partikular sa mga agricultural products base sa mahigpit na kautusan ni BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)