INAPRUBAHAN na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas sa mahigit P42.9 bilyong pondo para sa one-year health insurance premiums ng 8.5 milyong senior citizens sa buong bansa.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ito ay pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na tiyaking ang mga matatanda ay nabibigyan ng kaukulang suporta at pangangailangan.
Pinirmahan ni Pangandaman ang kabuuang P42,931,355,000 Special Allotment Release Order (SARO) at ang kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) nito noong Abril 4, 2023.
“Our elderly will always remain vital members of our society who have spent many of their productive years not only in improving the lives of their family members but also in contributing to their communities. Dapat lamang na patuloy nating tulungan ang ating mga lolo at mga lola na manatiling malakas at malusog,” wika ni Pangandaman sa isang pahayag.
Nabatid na may kabuuang 8,586,271 milyong senior citizens ang inaasahang makikinabang sa alokasyon ayon sa DBM.
Alinsunod sa Republic Act No. 10645, o mas kilala bilang Expanded Senior Citizens Act of 2010, lahat ng senior citizen ay sakop ng National Health Insurance Program (NHIP) ng PhilHealth.
Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), nasa mahigit P79 milyon ang inilalaan upang masakop ang pagbabayad ng mga premium ng health insurance ng mga hindi direktang nag-aambag, kabilang ang mga nakatatanda. (CARL ANGELO)