KINASUHAN na ng paglabag sa Dangerous Drug Act ang dalawang Chinese national na nahulihan ng mahigit 400-million halaga ng iligal na droga sa isinagawang anti-narcotics operations ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency sa San Fernando, Pampanga nitong nakalipas na Miyerkules.
Ayon kay Police Regional Office 3 Regional Director General Cesar Pasiwen, kapwa hinihinalang kasapi ng isang malaking drug syndicate ang dalawang high-value targets na kinilalang sina Wenjie Chen alyas Harry, 45, ng San Antonio, Gerona, Tarlac at Sy Yan Qing, 42, ng Sto. Domingo, Angeles City.
Isang joint buy-bust operation ang inilatag sa Lakeshore sa kahabaan ng NLEX sakop ng Mexico, Pampanga kung saan kasama ng mga kapulisan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) National Capital Region at ilang operatiba sa National Capital Region.
Nakumpiska mula sa dalawa ang 60 piraso ng vacuum-sealed plastic Chinese tea bags na naglalaman ng 60 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P408,000,000; P5,000 marked money; cellphone; mga iba’t-ibang identification cards at dokumento.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang dalawa ay nasa pangkat ng tinatawag na Coplan Apocalypto na nabatid na mga notoryus sa pagkakalat ng maramihang droga sa mga lugar sa Metro Manila, Regions 3 at 4-A. (VICTOR BALDEMOR)














