KATUWANG ang mga operatiba ng Philippine Coast Guard ay nadiskubre ng mga intelligence operatives ng Bureau of Customs ang sako sakong hinihinalang puslit na bigas na iniimbak sa dalawang bodega na sinalakay ng mga awtoridad sa Pulang Lupa, Las Piñas City at Bacoor City sa Cavite.
Sa ulat na ipinarating kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, naglunsad ng pagsalakay ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, Port of Manila, Legal Service, Philippine Coast Guard at mga barangay officials sa itinuturong warehouse na pinagtataguan ng mga bigas.
Ang dalawang sinalakay na bodega ay nagtatago ng mga bigas mula sa Vietnam, Thailand at China, kung saan itinatayang nasa P40 milyon ang halaga nito.
Nabatid pa na bago ipinatupad ang inilatag na inspeksyon sa mga nasabing warehouse ay nagsagawa muna ang mga intelligence agents ng ‘extensive investigation, surveillance and test purchases’.
Lumitaw din na ang trader ng mga naturang smuggled na bigas ay nagbebenta ng 25-kilo na sako ng Vietnamese rice sa halagang ?1,320 sa merkado na katumbas ng ?52.80 kada kilo.
Ang nasabing presyo ay hindi tumatalima sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nagtatakda ng ?41 at ?45 na kilo sa well-milled at regular-milled rice.
Iginiit pa ng may-ari ng mga warehouse na hindi sila ang importer ng bigas at pawang mga trader sila, kaya’t hinanapan sila ng proof of payment ng correct duties at taxes mula sa supplier o importer.
Binigyan naman ang mga may-ari ng warehouse ng 15 araw para magpasa ng kaukulang dokumento.
Ang nasabing hakbang ay kasunod na rin ng inihayag ni Pangulong Marcos, Jr. na tapusin na ang ‘profiteering, smuggling at hoarding’ ng bigas sa bansa, kasabay ng paniniyak na may mabibiling murang pagkain ang bawat Pilipino.