P40-M HALAGA NG ALAHAS AT SALAPI, NATANGAY

By: Victor Baldemor Ruiz

PATULOY ang isinasagawang imbestigasyon at pagtutok ng mga pulis sa ilang ‘persons of interest’ na posibleng may kinalaman sa naganap na ‘New Year’s Day heist’ kung saan hindi bababa sa P40- milyong halaga ng alahas at salapi ang natangay ng mga kawatan matapos looban ang tindahan ng alahas na nasa loob ng isang mall sa Ozamiz City, Misamis Occidental.

Sinasabing may mga ‘persons of interest’ nang tinutugaygayan ang Ozamiz City Police sa nangyaring planadong pagnanakaw sa loob ng Gaisano Mall sa Purok 3, Barangay Baybay Sta. Cruz .


Kinumpirma ng Ozamis City Police Office ang insidente na nadiskubre bandang alas -11:00 ng tanghali nitong mismong araw ng Bagong taon, kung saan sangkot diumano ang tatlong hindi pa nakikilalang mga lalaki na kasalukuyan nang inaalam ang pagkaka-kilanlan base sa mga nakalap na recordings ng security camera sa loob at labas ng mall.

Natangay ng tatlong magnanakaw ang hindi bababa sa P40 million na halaga ng mga gintong alahas sa isang jewelry store at perang nasa safety vault nito at mula sa isang automated teller machine sa loob ng Gaisano Mall sa Ozamiz City na itinatayang isinagawa madaling araw nitong Lunes, January 1, 2024.

Ayon sa ulat, pinasok ng mga suspect ang Oro Italia Fine Jewelry branch sa pamamagitan ng pagbutas sa sahig nito mula sa katabing food court sa naturang mall na mula naman sa hinukay na drainage sa labas .


Maliban sa mga alahas at collections ng establisimyento, sinira din at kinunan ng pera ng mga salarin ang isang Metrobank ATM sa tapat nito.

Naniniwala rin ang mga imbestigador na posibleng may iba pang kasabwat ang mga suspek na nanloob sa nasabing mall matapos na tuntunin ang mga dinaanan ng mga suspek papasok at palabas ng mall.


Napag-alaman na may isang suspek nang hawak ang mga awtoridad subalit hindi muna inilalantad dahil sa isinasagawang follow-up operation.

“Intelligence-driven checkpoint operations were already established in all the egress areas of the city, and relentless manhunt operations are still being conducted to arrest other suspects involved in the robbery,” ayon sa Ozamiz City Police.


Tags: Ozamiz City Police

You May Also Like

Most Read