P4 taas-presyo sa bigas sa Oktubre nagbabadya

Ibinabala ng grupo ng mga magsasaka ang posibleng pagtaas ng presyo ng bigas sa Oktubre.

Sinabi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na inaasahan ang P3 hanggang P4 na taas-presyo ng bigas sa susunod na buwan.

Ang itinuturong dahilan ng SINAG ay dahil sa hindi naipamahaging cash aid ng Department of Agriculture sa mga magsasaka sa tamang oras na panahon ng pagtatanim kung kailan tumaas ang presyo ng input ng sakahan.


Sinabi naman ni DA Undersecretary Domingo Panganiban na ang cash aid na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa, ay hindi pa naipamahagi dahil sa ilang kulang na mga rekisito.

“Hindi naibigay ng Landbank lang, ang DBP (Development Bank of the Philippines) naibigay ‘yung kanilang portion. Ang Landbank dahil ni-require nila ang Department of Agriculture na magpalitrato ‘yung mga farmer sa kanila sa DA, wala namang photographer ang DA ” ayon pa sa kanya.

Gayunpaman, tiniyak ni Panganiban na inatasan niya ang kanilang mga regional offices na pabilisin ang koordinasyon sa LBP at mga magsasaka para sa pamamahagi.

Samantala binatikos naman ni Senator Imee Marcos ang naantalang pamamahagi ng DA ng cash aid.


Sa kanyang pagbisita sa DA para sa Young Farmers Challenge-National Capital Region awarding rites, sinabi ni Marcos na matagal nang inaprubahan ng Senado ang alokasyon nang madalian.

Tags: DA Undersecretary Domingo Panganiban

You May Also Like

Most Read