MAHIGIT P4 na bilyong halaga ng ‘dangerous drugs at controlled precursors and essential chemicals (CPECs)’ ang tuluyang sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamamagitan ng “thermolysis” sa Trece Martires City, Cavite para tiyakin na hindi ito makakabalik sa mga lansangan gaya ng hinihinalang mangyayari kaugnay sa nabulgar na kinupit umanong kilo-kilo ng shabu ng mga police operatives sa isa nilang anti-drug operation.
Ayon kay USEC Derick Carreon, PDEA Public Information Office Director, winasak ng kanilang ahensiya ang may 700 kilogram (726,378.5093 grams) stockpile ng droga na nasa kanilang pag-iingat sa pamamagitan ng pagsunog o thermolysis kahapon sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI), Barangay Aguado, Trece Martires City,
Ang ibat- ibang ipinagbabawal na droga, controlled precursors and essential chemicals (CPECs) ay mga ebidensiya na kanilang nasamsam mula sa ibat-ibang anti-drug operations na isinagawa ng PDEA katuwang ang iba pang law enforcement at military units.
Nakatala sa Consolidated Report ng PDEA Laboratory Service ang listahan ng mga sinirang drug evidence at kung gaano karami ang mga ito.
Pinangangasiwaan ng PDEA ang pagsira sa lahat ng kumpiskadong droga bilang pagsunod sa mga alituntunin na itinakda para sa pag-iingat at disposisyon ng mga nasamsam na mapanganib na droga sa ilalim ng Section 21, Article II ng Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Dangerous Drugs Board Regulation No. 1, Serye ng 2002.
Sinaksihan naman ng mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), local officials ng Barangay Aguado, Trece Martires City, mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies, non-government organizations at mga kinatawan ng media ang buong proseso.














