Kulang-kulang isang kilo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng P4.9 million ang nasabat ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of CustomS sa loob ng inabandonang bagahe sa Port of Manila sa 2nd Bonifacio Drive, Port Area Manila.
Sa ulat na ipinarating kay PDEA Director General Usec Isagani Nerez, nasabat ng PDEA Seaport Interdiction Unit, Bureau of Customs Anti-Illegal Drugs Task Force at Philippine Postal Corporation ang isang parcel na naglalaman ng 984 gramo ng hinihinalang iligal na droga na nagkakahalaga ng P4,920,000 nitong Lunes.
Ang parcel, na ipinadala mula Hamburg, Germany, ay idineklara bilang mga kendi.
Agad na ipinag-utos ng PDEA at ng mga ahente ng Aduana na imbestigahan ang shipper at consignee ng nasabing bagahe para sa posibleng kasong isasampa sa kanila kaugnay sa paglabag sa RA 9165.
Ang mga nakumpiskang droga ay ipapasa sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuri, ayon kay PDEA Deputy regional director for operation Renato Gumban.