By: Jantzen Alvin
INAPRUBAHAN na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P35 na umento sa sahod mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ito ay kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE), na nagsabing inianunsiyo na ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang naturang desisyon at inaasahang magiging epektibo sa loob ng 15 araw matapos na mailathala sa mga pahayagan.
Bunga nito ay inasahan na magiging P645 na ang daily minimum wage sa NCR, mula sa kasalukuyang P610 lamang.
Ang huling umento sa minimum wage sa NCR ay ipinatupad noong Hulyo 16, 2023.
Matatandaang ipinag-utos ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na rebisahin ang minimum wage rates sa bawat rehiyon sa bansa.
Nitong Hunyo ay kaagad na nagdaos ang RTWPB-NCR ng isang ‘open forum’ sa iba’t- ibang stakeholders hinggil sa hiling na umento sa sahod.