Latest News

P35-M NABUBULOK NA SMUGGLED MEAT…

By: Victor Baldemor Ruiz

NADISKUBRE ng mga awtoridad ang tinatayang nasa P35 million na nabubulok na mga hinihinalang smuggled assorted meat products matapos ang isinagawang pagsalakay sa isang warehouse sa Meycauayan Bulacan.

Sa ulat sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Department of Agriculture, Bureau of Customs, Philippine Coast Guard at pulisya ang isang warehouse ng mga umano’y smuggled na frozen meat sa Barangay Pantoc, Meycauayan

Sa bisa ng letter of authority mula kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio ay pinasok ang cold storage warehouse ng composite team, sa pangunguna ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS),ang dalawang improvised cold storage facilities at dito nadiskubre ang hindi pa matukoy na dami ng mga frozen meat mula sa Germany at India.


Ayon kay Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy, “The DAIE and the NMIS also did initial evaluation of the meat products and, based on the physical appearance and foul odor thereof, the said meat products are determined to be unfit for human consumption.”

Sabi ni Customs Intelligence Officer Richard Rebong, inire-repack sa mga bagong kahon ang mga frozen meat kahit malapit nang mag-expire at delikado sa kalusugan ng publiko.


Sabi pa ni Rebong, base sa pagsusuri ng mga tauhan ng National Meat Inspection Service ng Department of Agriculture, malinaw na mga spoiled o hindi na ligtas pang kainin ng tao ang mga natuklasang frozen meat dahil sa paraan ng pag-handle dito sa isang makeshift na cold storage warehouse na sinasabing pinakete noon pang 2021.

Dahil dito, isinara na muna ang naturang warehouse at pagpapaliwanagin ang hindi naman pinangalanang may-ari nito.


Wala namang dinatnang tao sa warehouse. Nakipag-ugnayan ang BOC sa home owners association ng subdivision at mga barangay officials kaya lang nabuksan ang naturang cold storage facility.

Sabi ni DA Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement James Layug, aabot sa 175,000 kilos ng ibat-ibang uri ng various meat products ang nakumpiska na tinatayang nagkakahalaga ng P35 million.

Tiniyak ni Layug na ipasasara ang storage warehouses na gaya nito at pananagutin ang mga nasa likod ng smuggling ng agricultural products.

Inihahanda na ng DA ang kaukulang kasong paglabag sa Republic Act No. 10611 o Food Safety Act of 2013 at Republic Act No. 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Tags: Bureau of Customs, Department of Agriculture, Philippine Coast Guard

You May Also Like

Most Read