ITINATAYANG aabot sa P340 milyong halaga ng iliga na droga ang nakumpiska sa dalawang nadakip na hinihinalang bigtime drug dealers sa isinagawang joint anti- narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Muntinlupa City, iniulat ni Usec. Isagani Perez, PDEA Director-General, kahapon.
Ayon kay PDEA Director Laurefel Gabales, Chief ng Public Information Office, kahapon ng umaga ay inilunsad ng magkasanib na puwersa ng PDEA at PNP ang buy-bust operation sa South Green Heights Village, Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Sa nasabing drug sting ng mga awtoridad ay dalawang hinihinalang bigtime drug dealers ang nadakip ng mga ahente ng PDEA- Intelligence Service sa pakikipagtulungan sa PDEA-NCR Southern District Office at PNP- SDEU Muntinlupa.
Kinilala lamang muna sa pangalang alias ‘Tita Joy’ at ‘Liezel’ ang dalawang naaresto kaugnay sa isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad.
Nadiskubre ang mga nakatagong droga sa ilang package na kinabibilangan ng isang karton na naglalaman ng 25 golden aluminum packs; isang luggage na naglalaman ng 20 vacuum-sealed orange packs na may label na “Cote d’Ivoire” at isang kulay pulang eco bag na naglalaman ng limang vacuum-sealed orange packs na may marking din na “Cote d’Ivoire.”
Sinasabing nasa 50,000 grams o 50 kilograms ang dami ng droga na nasamsam na may street value na P340,000,000.
Kapwa nahaharap ngayon ang dalawang suspek sa paglabag sa Sections 5 (Sale of Dangerous Drugs) at 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Article II of Republic Act 9165, or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dinala naman sa PDEA Laboratory Service ang mga nasamsam na droga para sa dagdag na pagsusuri.
“The Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) and the Philippine National Police (PNP) remain committed to intensifying their efforts to combat illegal drug activities across the country, ensuring the safety and well-being of all citizens,” pahayag naman ni USEC Perez.














