Inianunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na mahigit sa P32.6 milyon ang halaga ng medical assistance na naipamahagi nito sa higit 5,000 indigent patients sa bansa, kung saan may kabuuang P32,686,299.36 ang naipagkaloob sa may 5,135 pasyente mula Abril 17 hanggang 20, 2023 lamang, sa ilalim ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).
Kabilang sa nabiyayaan ng naturang tulong medikal ng PCSO ay ang 560 pasyente mula sa National Capital Region (NCR) na nabigyan ng kabuuang halaga na P7,017,800.
Sa Northern at Central Luzon, umaabot sa 1,183 pasyente ang nabiyayaan ng P7,648,169.49 na halaga ng tulong medikal habang sa Southern Tagalog at Bicol Region naman, 1,418 pasyente ang nakinabang sa P6,871,730.30 halaga ng medical assistance.
Sa Visayas, 1,188 pasyente ang nabigyan ng P6,465,923.59 na halaga ng assistance sa pagpapagamot habang sa Mindanao ay 786 pasyente ang naging benepisyaryo ng P4,682,675.98 na tulong medikal.
Kaugnay nito, muli namang hinimok ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa kawanggawa.
“Sa patuloy ninyong pagtangkilik sa mga laro ng PCSO, libo-libo nating mga kababayang nangangailangan ang natutulungan ng PCSO,” aniya.














