MAY P31.5 milyon halaga ng mga peke at hindi rehistradong mga produktong pangkalusugan ang kinumpiska sa ginawang pagsalakay ng Bureau of Customs (BOC) sa dalawang bodega sa Sta. Cruz, Maynila kamakailan.
Sa ulat na inilabas kahapon, nakasaad na sinalakay ng Customs Intelligence and Investigation Service-Intellectual Property Rights Division (CIIS-IPRD) dalawang bodega sa may No. 1005 Ongpin Street, Sta. Cruz at No. 641 Fernandez Street, Sta. Cruz nitong Abril 19.
Kasama ng BOC sa mga operasyon ang mga tauhan ng BOC-Port of Manila (POM), National Bureau of Investigation – National Capital Region, at ang Armed Forces of the Philippines.
Armado ng Letters of Authority (LOA) mula kay BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, pinasok ng mga awtoridad ng biglaan ang dalawang bodega. Natuklasan dito ang iba’t ibang produktong pangkalusugan at pampaganda na walang rehistrasyon sa Food and Drugs Administration (FDA) kabilang ang mga brand na Lianhua Lung Cleansing Tea, Healthy Brain Pills, Gluta Lipo, Lidan Tablets, Nin Jiom Pei Pa Koa, Vita herbs at iba pa na may Chinese brands.
Nagkakahalaga ng P9.5 milyon ang nasabat na produkto sa bodega sa Ongpin habang P22 milyon naman ang nasabat sa Fernandez Street.
Hinanapan ng mga awtoridad ang mga inabutang tauhan ng mga bodega ng mga dokumento sa importasyon at iba pang dokumento na hindi naibigay.
Nakatakdang sampahan ang mga may-ari ng naturang bodega ng mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act Republic Act (R.A. 10863), Intellectual Property Code of the Philippines (R.A. 8293), at ang Food and Drug Administration Act (R.A. 9711). (Carl Angelo)














