BAKAS ang pagiging epektibo ng kampanya ng PNP Bicol at PDEA ROV laban sa droga matapos isa na namang tulak ng droga ang nahuli ng mga ito sa isinagawang pagsisilbi ng search warrant dakong 10:15 ng gabi nitong ika-2 ng Marso sa Brgy. Poblacion District 1, Claveria, Masbate.
Bitbit ang search warrant na ibinaba ng RTC Branch 50, San Jacinto, Masbate noong Pebrero 23, 2022 pinuntahan ng mga operatiba ng Claveria MPS; PDEA, PIU/PPDEU Masbate PPO at 5th RMFB 503rd Manuever Coy ang kinaroroonan ng suspek na si Gaspar Ariate Jr y Pilapil.
Nagalugad ng mga operatiba mula sa tahanan ng nabanggit na suspek ang 50 gramo ng “shabu” na may tinatayang halaga na P300,000.00 at iba pang mga drug paraphernalia na nasa kanyang pangangalaga.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Claveria MPS para sa kaukulang pagsasampa ng kaso para sa paglabag sa Section 11 at 12 ng RA 9165.
Ang PNP Bicol sa pangunguna ni PBGEN JONNEL C ESTOMO, RD katuwang ang PDEA ROV ay magpapatuloy sa mga nasimulan nitong inisyatibo para tuluyan ng bigyan ng solusyon ang problema kontra droga.
Bukod sa mga operasyong inilulunsad ng PNP Bicol, ito rin ay aktibo sa pakikipag-ugnayan sa iba’t iba pang ahensya sa pagnanais na tulungan rin ang mga nahuli at drug surrenderees na bitawan ang kanilang bisyo sa droga. (VICTOR BALDEMOR)