ITINATAYANG nasa P30-million ang halaga ng smuggled cigarettes na nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Navy nang masabat nila ang dalawang watercraft na may lulang ipupuslit na sigarilyo sa dagat na sakop ng Digos City sa Davao del Sur.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, Jr. ay tinutukoy ang dalawang sea vessel na M/L Er-Far at M/B Qaireen na pinigil ng Phil. Navy intercept BRP Herminigildo Yurong (PG906), na nasa ilalim ng operation control ng Naval Task Force 71 ng Naval Forces Eastern Mindanao.
Bandang alas- 8 ng gabi nang namataan ang M/L Er-R-FAR na nakahimpil may 1,000 yarda mula sa Digos Point at naglilipat ng mga kahon ng smuggled cigarettes sa isang unmarked banca.
Agad na rumesponde ang PG906 sa area para siyasatin ang kaganapan at sa pagrerekisa sa watercraft ay nakita ang pitong crew, isang porter at 1, 000 master cases ng smuggled cigarettes.
Habang ini-inspeksyon ng PG906 ang M/L Er-Far ay namataan ang isa pang watercraft na nagsasagawa rin ng pagdidiskarga ng mga kahina-hinalang kontrabando sa dalampasigan ng Punta Biao, Digos City, Davao del Sur at nang sampahin ng mga tauhan ng Philippine Navy ay nadiskubre ang nasa 800 master cases ng smuggled cigarettes. Kapwa walang maipakitang dokumento o permit ang dalawang sea vessel.
Inayudahan ng NAVSOU7 ang mga kasamahan sa d PG906 sa paghatak sa nahuling dalawang bankang de motor sa Feranil Pier, Naval Station Felix Apolinario, Panacan, Davao City. Pagsapit sa NSFA, agad na isinailalim ang pitong tripulante sa medical assessment sa Camp Panacan Hospital.