Latest News

P30-M PUSLIT NA SIBUYAS, NASAMSAM SA ISANG BODEGA SA MAYNILA

NASA P30-milyong halaga ng 1,000 sako ng puslit na sibuyas na tumitimbang ng may 100 metrikong tonelada ang nakumpiska ng magkakasanib na pwersa ng pamahalaan sa isinagawang operasyon kontra smuggling ng agricultural commodities, sa isang bodega, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Pinangunahan ng mga kinatawan ng Department of Agriculture (DA) ang operasyon sa pagsamsam sa dilaw na sibuyas na nakaimbak sa DNR building sa Santo Cristo St, Tondo, dakong alas 7:00 ng gabi ng Disyembre 2, 2022.

Bunga ng Intelligence report na makarating sa DA hinggil sa apat na 40-footer na container van na may kwestunableng mga dokumento, nagsagawa ng inspeksyon ang DA-Wide Field Inspectorate katuwang ang Bureau of Plant and Industry (BPI), Regional Special Operations Group ng National Capital Region Police Office (RSOG-NCRPO), Philippine Coast Guard (PCG) at Asuncion Police Community Precinct ng Manila Police District (MPD) sa nasabing bodega.

Sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na may petsang Disyembre 2, 2022 na inisyu ni Yogi Filemon Ruiz, Acting Commissioner ng Bureau of Customs (BOC), ay kinumpiska ang mga sibuyas na nakadeklarang pastries o tinapay.

Ayon kay James Layug, ang pinuno ng DA-Wide Field Inspectorate, layon ng kanilang pinaigting na kampanya na protektahan ang kabuhayan ng mga lokal na mga trader at mga magsasaka.

Gayundin upang makontrol ang posibleng pagpasok ng mga transboundary diseases.

Matapos ang imbentaryo ay dinala na ang mga sibuyas sa tanggapan ng BPI. (JERRY S. TAN)

Tags:

You May Also Like

Most Read