NASA mahigit P3 milyon ang ipinagkaloob ng Philippine National Police sa kanilang mga confidential informants na umano ay nagsisilbing susi para madakip ng kapulisan ang may 14 na most wanted persons.
Inihayag ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Jose Chiquito Malayo na umaabot sa P3.3 milyon cash rewards ang kanilang ibinigay sa ilang civilian tipsters.
Napag-alaman na ang sinasabing 14 na most wanted persons ay mayroong existing warrant of arrest na inisyu ng korte dahil sa krimen na kanilang kinasangkutan tulad ng murder, rape, forcible abduction with rape, multiple frustrated murder at multiple attempted murder.
Nilinaw ni Malayo na ang pagbibigay ng cash reward sa mga confidential informants ay bahagi ng programa ng Pambansang Pulisya upang makatulong ang mga ordinaryong mamamayan para ma-neutralize ang mga tinaguriang most wanted persons.
Hinikayat din ng heneral ang mamamayan na agad makipagtulungan sa kanila kapag mayroong impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga pinaghahanap ng batas. (VICTOR BALDEMOR)














