Nasa P3,570,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Pangasinan Provincial Office (PDEA PANG PO) at PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 1 (PDEG-SOU 1) sa Lungsod ng Urdaneta, Pangasinan.
Kinilala ni PDEA Regional Director, Director III Joel B Plaza ang suspek na si alias Odi, 57, residente ng nasabing lungsod. Ito ay naaresto bandang 2:35 ng madaling araw nitong Marso 11, 2025 at nahulihan din ito ng isang baril.
Nasamsam sa inilunsad na anti-narcotics operation ang anim na pirasong transparent plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 525 gramo, isang cal. 45 pistol na may holster, isang magazine assembly at pitong bala.
Bukod pa ito sa apat namobile phone, iba’t- ibang drug paraphernalia, limang bungkos ng hindi pa nagagamit na plastic sachets, isang brown sling bag, isang “Victoria’s Secret” paper bag, isang brown envelope, isang “Lazada” blue plastic, isang identification card, P2,000 na cash na iba’t- iba ang denominasyon at ang buy-bust money.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Pagbebenta ng Mapanganib na Droga) at Section 12 (Pag-iingat ng Drug Paraphernalia) ng Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, pati na rin sa paglabag sa RA 1059 o ang Batas sa Komprehensibong Regulasyon ng Baril at Bala at ang Pagpapataw ng Parusa sa Mga Paglabag Nito.
Ang naarestong suspek ay kasalukuyang nakadetine sa pasilidad ng PDEA Pangasinan Provincial Office sa Lungsod ng Urdaneta, Pangasinan.