Alinsunod sa seven-point agenda ni PNP Chief PLTGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na kinabibilangan ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga, inihayag ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang pagkakatimbog sa isang parcel na naglalaman ng 500 grams ng methamphetamine hydrochloride o shabu, na nagkakalahaga ng P3.4 million, sa isang operasyon sa isang cargo warehouse kamakailan
Ayon sa Aviation Security Unit – NCR (AVSEU NCR), ang Bureau of Customs (BOC) na pinamumunuan ni Commissioner Ariel Nepomuceno ay nakipag-ugnayan ukol sa papalabas na parcel na deklaradong naglalaman ng mga libro at picture frames at mula sa Cavite.
Sinabi nina BOC-NAIA deputy collector for passenger services Karen Susan Rofes and assistant deputy for passenger services Dr. Mark Jhon Almase na ang parcel na patungong New Zealand ay nakitaan ng ‘suspicious images’ sa isinagawang routine X-ray screening ng BOC, kung kaya’t nagkaroon ng malalimang inspeksyon.
Sa verification ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), natagpuan ang isang plastic bag na nakabalot ng duct tape at nakatago sa loob ng isang asul na libro kasama ang tatlo pang ibang libro, tatlong picture frames, isang flower bouquet at board game.
Kinumpirma ng PDEA sa pamamagitan ng field testing na ang natagpuan ay methamphetamine hydrochloride at ang nasabing kumpiskadong ebidensiya ay nar- turn over naman sa PDEA para sa kaukulang pagsusuri at aksyon.
Pinuri ni PBGEN Jay Cumigad, Director ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), ang kagyat na aksyon ng mga law enforcers.
“This successful interdiction is a result of precise coordination and vigilance. The public can be assured that our country’s gateways will remain safeguarded from contraband and criminal activities,” aniya.














