Itinatayang mahigit sa P290 million ang halaga ng ipinagbabawal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng government anti-narcotics units sa magkahiwalay na lugar.
Nitong nakalipas na Sabado, nasa P13.6 milyon halaga ng shabu ang nakuha sa dalawang lalaking bigtime drug personalities ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang seaport interdiction operation sa Barangay Tandu Bato, Luuk, sa lalawigan ng Sulu.
Kinilala ni PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Director Gil Cesario Castro ang mga nadakip na suspek na sina Lala Jamih Halisan, alyas Ben, 28 at Alwinir Kabran, 20, kapwa lalaki.
Narekober sa kanila ang 21 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng dalawang kilo, bukod sa mga identification cards.
Kasalukuyang nasa custodial facility ng Indanan Municipal Police Station sa Sulu ang dalawang drug suspect at naghihintay ng inquest proceedings para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, inabandona naman ng hinihinalang courier ng drug syndicate ang nasa P277.5 milyong hinihinalang shabu sa isinagawang anti-carnapping operation noong Sabado, Agosto 31, sa Maharlika Highway sa Barangay Jubasan, Allen, Northern Samar.
Sinita at pinahinto ng Northern Samar Provincial Highway Patrol Team at ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-8 ang isang Sports Utility Vehicle para sa isang regular na anti -carnapping inspection.
Nabatid na walang plaka ang sasakyan at ang driver na kinilalang si Sander, ng Barangay Tubod, Iligan City, Lanao del Norte, ay nabigong magpakita ng opisyal na dokumento sa pagpaparehistro at tanging isang vehicle sales invoice lamang ang ipinakita nito.
Hinihinalang dahil sa takot ay tinangkang tumakas ng suspek patungo sa kabundukan ng Barangay Jubasan, kung saan iniwan niya ang kanyang sasakyan, susi at cellphone.
Sa isang visual na inspeksyon sa sasakyan, nakita ang isang kahina-hinalang plastic bag na may markang Chinese. Narekober ng Philippine Drug Enforcement Unit-Northern Samar ang 37 pakete ng hinihinalang shabu na nababalutan ng itim na plastic na may markang Chinese, lisensya sa pagmamaneho ng suspek at iba pang ebidensya.
Naglunsad ng dragnet operation ang Police Regional Office-8 para mahuli ang suspek.














